Rodgers, Oliveros babandera sa kampanya ng PSL tankers

http://www.philstar.com/psn-palaro/2017/08/19/1730518/rodgers-oliveros-babandera-sa-kampanya-ng-psl-tankers

World Universiade games lalarga na

MANILA, Philippines -  Ipaparada ng Philippine Swimming League (PSL) ang 36 tankers sa prestihiyosong 2017 Summer World University Games swimming competition na gaganapin sa National Taiwan Sport University Arena sa New Taipei City sa Taiwan.

Nangunguna sa listahan sina University of the Philippines standouts Joy Rodgers at Trisha Anne Oliveros na sasabak sa women’s division gayundin sina UP tankers Namahig Asa Mahiwo, Christen Mercado, Gian Daniel Berino at Martin Jacob Pupos ng National University na masisilayan naman sa men’s class.

Aarangkada rin sina Pauline Celine Cusing at Jux Keaton Solita ng University of Santo Tomas, Mhikcoloe Dominique Abina ng San Sebastian College-Recoletos, at Carmenrose Matabuena ng University of the East-Manila.

Kasama rin sa delegasyon sina Leichelle Buenaventura, Alic Deniel Dela Cruz, Annyka Frances Dela Cruz, Princess Bernadette Estal, Jazmine Franchesca Mirasol, Isabella Olivares, Julian Ingrid Pupos, Macy Reyes, Stephanie Sablan, Julianne Khryztelle Torres, Martina Villanueva at Aubrey Ybanez.

Hahataw sa men’s side sina Ernest Raphael Arceo, Paul Jerome Carpio, Louie Martin Cesdorio, Nathan Anthony Cheng, David De Layola, Emmanuel Rome Dela Cruz, Ryan Dimayuga, Roger Dante Giron, Jan Vincent Llaguno, Drew Benett Magbag, Jason Mirabueno, Arian Neil Puyo, Raymund Joshua Sevilla at Kobe Soguilon.

“This is a good exposure for our swimmers since a lot of Olympic medalists are here. Competing in an Olympic-level, world-class tournament like the Univer­siade is a once in a lifetime experience,” pahayag ni PSL President Susan Papa.

Kasama ni Papa sa delegasyon sina PSL Chairman at dating Senador Nikki Coseteng, PSL Secretary Gene­ral Maria Susan Benasa, Board Member Sonia Baltazar, at coaches Alex Papa, Joey Andaya at Ryan Robles.

Nakakuha ng slots ang mga tankers sa ginanap na qualifying tournament sa iba’t ibang panig ng bansa kung saan pinagbasehan ng PSL ang mga oras nito sa kani-kanilang events.

Ang PSL swimming team ang may pinakamaraming entries sa delegasyon ng Pilipinas.

Maliban sa swimming, lalahok din ang Pilipinas sa archery, athletics, badminton, billiards, diving, judo, golf, table tennis, taekwondo, lawn tennis, weightlifting at wushu.

Idaraos ang opening ceremony ng Summer Univer­siade ngayong araw sa Taipei Municipal Stadium kung saan mahigit 10,000 atleta at opisyales mula sa mahigit 180 bansa ang magmamartsa.

Noong 2013 edisyon ng Summer Universiade sa Kazan, Russia, nasungkit ng Pilipinas ang gintong medalya sa men’s standard chess event mula kay Grandmaster Wesley So.

Humirit naman ng pilak na medalya si Sammuel Morrison sa men’s taekwondo noong 2011 Universiade sa Shenzhen, China.